Sabi nila, hindi daw nagbibigay si God ng problemang di mo malalampasan. Alam ko naman yun, pero sana, ito, hindi ko lang malampasan, pero malampasan ko nang hindi ako mawawalan ng hiya. Sige na, Lord, please? Sige na. Yung tipong next week, masayang-masaya ako kasi akala ko wala na akong mukhang ihaharap nung araw na yun, pero meron pa pala, at taas noo pa.

Nangyayari pala talaga sa totoong buhay yun
February 9, 2010
Nangyayari pala talaga sa totoong buhay yun, yung may kakaway sayo nang buong galak, tapos makikita mo ang pagkaway nya nang buong galak, tapos ngingiti siya nang buong galak, tapos titingin ka sa kaliwa at kanan, left at right kung ikaw nga ba ang kinakawayan at nginingitian niya nang buong galak, e parang ikaw naman, unless yung halaman sa tabi ng escalator ang kinakawayan nya, e di-hamak namang mas maganda ka dun, kaya kakaway at ngingiti ka rin at papantayan mo ang level ng kagalakan niya. Tapos pag hahakbang ka na para lapitan siya, parang on cue, lalabas ang isang tao sa likod mo patakbo sa kanya, at sila ay magbabatian at magpapataasan ng level ng kagalakan na kahit ipag-combine pa nila at i-times three e hindi uubra sa level ng nakakahiyang kagalakang ipinakita mo kanina.
Tapos ikaw ay tatalikod, ilalabas ang cellphone, magpipipindot ng kung anong text kunwari e “unlock” lang naman ang ginawa mo, habang pinapagalitan ang sarili kung bakit sa kaliwa, kanan, left at right ka lang lumingon, sabay maglalakad palayo ng sobrang bilis, hindi mo sure kung pa-dakong Burger King o McDo basta ang point, lumayo ka nang malayung-malayung-malayo, kesyo NLEX pa yan o SCTEX, bsta dun sa walang bahid ng kagalakan at halaman sa escalator. Dun kung saan mapapaisip ka, parang yung lightbulb moment ni Oprah, na syet hindi pala inimbento lang ng mga scriptwriter yung mga ganung eksena.
Bukod sa, Lord, kailangan bang ako na naman ang punchline?#

Islomo
February 9, 2010
Naalala ko lang, sabi ng isang dati kong katrabahong parang laging naka-islomo ang paggalaw at pananalita, habang lahat kami ay nangangarag at naiistress sa pre-prod ng isang madugong shoot na kinabukasan na kukunan, “Pwede bang pakiabot yung tinatawag na,” at nag-pause siya ng matagal, parang sa declamation contest para ma-emphasize yung last line sa speech, “ruler.”
Susmaryosep, kung maka-pause naman si Kuya akala ko naman pag-ibig o world peace ang pinapaabot nya.
Relaks Kuya. Ruler lang yan. Hindi dapat nakaka-high blood.#

Libro, wag kang pupunta sa kanto nila, kung gusto mong magka-Book 2.
January 15, 2010
Sabi ng isang libro na aksidente kong nabuklat sa Fully Booked sa Trinoma: “A wise woman must give sex very few, very seldom, and above all, very grudgingly.”
At natawa ako nang malakas, yung may sound. Tinext ko ito sa mga piling-piling kaibigan. Yung alam kong masisiyahan ako sa iba’t ibang level ng galit sa mga reply nila.
Salamat mga kaibigan kong guilty, ang saya-saya ko nung araw na yun.
At base sa kanilang reply, kung sino man ang nagsabi niyan, wag kang magpapakita sa kanto nila kung gusto mo pa makapagpatuloy magsulat ng susnod mong libro.
Pasensya, hindi ka naabisuhan, ang hindi “wise” na guilty, ibang klase magalit. Pumapatol sila kahit sa libro.#

Pasintabi sa mga galit sa emo at cheesy, mukhang cheesy lang ‘to pero hindi talaga, papunta pa lang dun, wala pang ending e
June 11, 20091 END NG SCREENING NG ISANG MAGANDANG PELIKULA SA CINEMALAYA FILM FESTIVAL, CCP LITTLE THEATER LOBBY. NIGHT.
Maraming tao, halos lahat masaya, nakangiti, parang inspired. Ininterview ako nung isang may camera at mic, ano raw ang masasabi ko sa pelikula. Sabi ko, “Maganda, maganda. Sana balang araw makagawa ako ng ganung pelikula.”
2 LOOB NG KWARTO KO, PAG-UWI, GABI.
Pag-uwi ko, pumasok agad ako sa kwarto ko. Binuksan ko ang ilaw, binuksan ko ang PC, kailangan kong buksan agad ang Word.
VO (nakikita ko pa ang reflection ko sa monitor, nakatitig lang, habang hinihintay mag-load ang Word, na parang napakatagal): May nagsabi sa’kin, ang pinakamagandang kwento raw ay isunulat ng taong nagmahal, at nasaktan. Kaya, sabi niya, habang nagmamahal ka, at nasasaktan, magsulat ka. Habang masakit pa, isulat mo, habang nagmamahal ka, habang akala mo ay di ka na magmamahal at masasaktan uli ng parang ganon, magsulat ka. Dahil hindi ka na uli makakapagsulat ng parang ganon. Nakakainis, sabi ko, kasi nung pinakanagmahal ako at pinakanasaktan, hindi ako nagsulat. Nakakainis… Kaya ngayong gabi, babalikan kita. Babalikan kita kahit hindi ko alam kung magiging gaano kasakit, kung magiging masakit man, o kung magiging masakit uli, pero babalikan kita. Dahil ngayong gabi, alam ko, maisusulat ko ang pinakamagandang kwentong maisusulat ko.”

Namimiss ko siya
June 10, 2009
Kung may sarili man akong namimiss ko, yun yung sarili ko nung kaka-graduate ko pa lang sa UP, nung nag-eedit pa lang ako ng mga ballet recital sa Katipunan na P1000 per project na tatapusin ko ng dalawang araw pagkatapos kinabukasan, maglilibot sa Makati para magpasa ng resume na ang 2×2 picture ay ang graduation picture kong maganda ang lighting at make-up, para bang sinasabing, “oo na, fresh grad ako, oo na, ako lang ang papayag sa 10k/mo minus tax pa dahil wala pa naman akong karapatan pang mag-inarte kahit sabi ni Oble, matapang daw ako, matalino, walang takot, kahit kanino”. Read the rest of this entry »

Hindi lang halata, pero ma-drama na tayo nung bata pa, tanong mo pa sa guard nung nawala ka sa SM
April 12, 2009
Lagi nating sinasabi, ang sarap ng buhay nung bata pa tayo. Simple lang ang mga problema, ang inaalala lang e kung tutubuan ba ako ng puno ng santol sa lalamunan gaya ng sabi ni Ali kasi nakalunok ako ng buto o kung paano pipigilin ang luha ko sa harap ng mga kalaro kong lalaki sa kickball nung nauna kong sipain ang hangin kesa sa bola, at hindi kung saan kukuha ng perang pambayad ng condo nang hindi nabebelow-minimum ang ATM account, o kung paano pipigilin ang luha sa harap ng mga taong feeling God o kanang-kamay ni God nung masabihan kang tanga kaya bibilang ka na lang ng 1 to 100 na sheep na tumatalon sa fence habang sinasabi sa sarili, pagpasensyahan mo na sila, hindi siguro sila naarawan nung bata at nakapag-kickball sa kalsada. Read the rest of this entry »

Ang katangahan, kung wala sa iba, nasa iyo
April 6, 2009
Hindi sa lahat ng pagkakataon e nagagamit natin ang ating utak. Tulad ng habang natutulog at nasa kasagsagan ng pananaginip, o habang nasa bus at nakatulala lang kasi, ah, masarap lang tumulala, o habang nanonood ng isang walang kwentang telenovela kung saan ang kontrabida ay hindi natatamaan ng bala kahit pinagbababaril na siya ng limang NBI plus bida plus leading sidekick niya plus limang pulis (ay, huli nga pala sila lagi dumadating). O habang bumibili ng fishballs sa kanto.
Tapos nang mag-tusok ng kanyang fishballs si Bong. Mamantika pa at malutong pa at mainit-init pa. Oras na para isawsaw na ito sa kanyang mapipiling sawsawan na nasa mga garapon sa tabi ng lutuan ni Manong. Sweet, o spicy, o suka.
“Suka,” pagpili ni Bong.
Isinawsaw ni Bong ang fishballs. At tinikman ang fishballs. Nag-iba ang mukha ni Bong. Matabang na may pagtataka, na may kaunting inis, sa hango ng “the customer is always right”.
“Kuya, ba’t hindi maasim tong suka nyo??” sabi ni naimbyernang Customer Bong.
Sabay tingin si Manong sa tinuro ni Customer Bong.
“Ahhh hindi naman po suka yan e,” sabi ni Manong. “Pang-linis po yan ng pangluto ko.”
Ah.
Sorry na, gutom lang. Tsaka baka tanga na rin.#

Hindi siya bakla, mapanghusga ka lang
April 6, 2009
“Bakit ka ba umalis ng Pilipinas?” tanong sa kanya. Medyo matagal na kasi siyang nasa Amerika, na nakakagulat, kasi parang masaya naman ang buhay at career niya dito sa’tin.
Sabi niya, isa sa mga dahilan e hindi na raw niya makayanan ang tsismis na bakla daw siya. At sumunod ang isang mahabang litanya tungkol sa kanyang pagkadismaya. Sumama daw talaga ang loob niya sa isyung yun. Na pinagtsi-tsismisan na bakla siya. Na pinagpipyestahan ang pagkatao niya. Na ayaw niyang—
Nang biglang may nag-ring na cellphone.
“All the single ladies! / All the single ladies! / Now put your hands up!…”
Katahimikan. Nagkatinginan.
Cellphone nya, at ang kanyang ringtone na tsina-challenge kung hanggang saan natin kayang hindi maging judgmental.
E parang hanggang kanto lang.
Anuba, hindi. Hindi nga daw siya bakla. Mapanghusga ka lang.#

Nas’an ang Datu Puti kung kelan siya kinakailangan?
April 5, 2009
Madalas, tinetest ni God ang ating patience. Kung sinuswerte, sa bahay ka lang pag-eexamin ni God, kung saan kaunti lang ang makakakita ng iyong pag-aanyong-bakulaw.
Nagluto si Diding, ang kasambahay ni May, ng sinigang na baboy para sa tanghalian. Inihain sa hapag-kainan. Tinikman ni May ang mainit pang sinigang. Nilasap-lasap. Nilasa-lasahan. Parang may kulang.
“Diding, ba’t parang matabang ‘tong sinigang mo?” tanong ni May. “Ano bang ginamit mong pang-sigang? Sampalok?”
“Ahh hindi po,” sagot ni Diding.
“Bayabas?”
“Hindi po.”
“Sinigang mix?”
“Hindi rin po.”
“E ano?” huling tanong ni May, na may tonong “Sasabihin mo ba, o habambuhay tayong mag-k-question and answer portion dito?” pero naka-smile pa rin (para baka sakaling hindi mahalata ni God na nagiging impatient na siya).
At sumagot si Diding, matter-of-factly, “Wala po.”
Tahimik. Hinga, May, hinga. Bilang ng 1 to 100. At pabalik.
At nakita sa buong Quezon City ang pinaka-malaking pandidilat ng mata na kung hindi naagapan ay nakasakal ng isang kasambahay na ang tanging kasalanan lang naman ay ang pagluluto ng sinigang na baboy na walang asim na taglay. Isinigang sa tubig.
At dahil pinandilatan lang ni May si Diding, binigyan siya ni God ng inc.#