Moshpit

Naalala ko nung una akong naipit sa gitna ng moshpit sa isang malaking-malaking concert ng MTV sa isang open lot sa Taguig, bago pa ito naging sosyal. Napalibutan ako ng mga matatangkad at malalaking mga taong sabay-sabay tumatalon, sabay-sabay yumuyugyog sa kanta, at ako, hindi makasabay, nagdarasal lang, Lord, hindi ko pa nakukuha ang sweldo ko, sana hindi pa po ako today mamatay, pwede sa a-kinse na lang? Nakita ako ni Ish, siguro alam din niyang hindi ako pwede mamatay nang hindi pa sumusweldo, sabay sigaw: tumalon ka lang, sumabay ka lang, talon! At ayun, nakitalon nga ako, nakisabay…at hindi namatay. At natutunan na minsan, akala mo lang nakakalunod ang mundo, pero ang totoo, kailangan mo lang sumabay, sumunod, maki-ayon. Hihinto rin ang moshpit, at pagtigil nito, masasabi mo, shet, buti pala nakitalon ako.

Naalala ko nung una akong nahipuan sa jeep, pauwi mula UP nang may nakatabing manyak na lalaki. Nanigas ang katawan ko, nag-panic, hindi alam ang gagawin. Inisip ko, kung sumigaw kaya ako? Kung isumbong ko kaya sa babaeng nasa harap kong alam kong nakita naman ang nangyari pero kunwari hindi dahil ewan, ayaw lang niya ng gulo? Kung pumara kaya ako, at pagbaba ko, kukuha ako ng malaki-laking bato, ‘yung medyo patusok, at ipupukol ko sa ulo ng gagong construction worker na ‘yun? At pumara nga ako. Huminto ang jeep, at bumaba ako. At ako’y di na naman makagalaw. Umalis ang jeep habang nakatingin lang ako sa manyak na lalaki na hindi na makatingin sa akin. Hindi ako nakasigaw. Hindi ako nakasumbong. Hindi ako nakapukol na malaki-laking bato, ‘yung medyo patusok. At natutunan kong minsan, walang ibang magtatanggol sa’yo kundi ang sarili mo. At na kahit kailan, walang batong naipukol nang walang pumupukol. May kailangang bumato, at minsan, ikaw dapat ‘yun.

Naalala ko nung una akong nasingitan sa pila sa MRT sa Shaw. May isang mamang bigla na lang bumili ng ticket sa harap ko, gayong ang haba ng pila. At ang magaling na tiketera sa MRT, pinagbilhan naman siya. Walang umangal, walang umalma. Ako lang. Tumatawa-tawa pa ang gagong mama, sabay punta sa pila sa entrance ng MRT. At doon, siningitan ko siya. Ayaw niyang magpasingit, oo nga naman, may pila nga naman, bakit ba ako makikisiksik sa harap niya. At nagpatiunahan kami sa pagsuksok ng MRT card. Kahit bakante na ang ibang pila, wala akong paki, dito ko isusuksok ang MRT card ko, dito ako sisingit. At ako ay nagtagumpay. Pagkatawid ko, tinapakan ng gagong mama ang dulo ng tsinelas ko, sabay ngisi. At natutunan ko nun na kaya pala siguro mahal ang Havaianas, kasi ipagtatanggol ka niya sa mga gagong mga mapanlamang na mga lalaking sumisingit na pila na kahit gusto nitong pigtasin ang tsinelas mo bilang ganti, hindi siya magtatagumpay.#

7 Comments Add yours

  1. lhaynette says:

    Ang ganda nito, direk! Pak! Hahahaha

  2. Kristyl says:

    Hi Direk! I really dont know how you put eveything na maging super beautiful inspiration. Ang galing direk! Siguro I really consider you as one of the most influential people, hindi lang sa buhay ko, pati sa buhay ng maraming tao. Hindi lang nila masabi! Thank you Direk! Continue to inspire people! Nakakawala ng stress from a 24 year old dreamer na kumaquarter life crisis. Hahaha write more! 😊 God bless you! Dream ko to work with u in the future, kahit hindi in the near future! Kahit sa susunot na sampung taon! Sana Lord! 😊😇🙏🏻

      1. Kristyl says:

        Ayyy sayo dapat ang salamat direk! Pagpalain ka! 😎

        PS, sana mabasa mo rin mga sulat ko. may natutunan ako dito eh, wag matakot maging “trying hard” nyahaha pag may time ka lang direk!

  3. iryneigh says:

    Hahaha salamat sa nag imbento nang Havainas!

  4. narsmanang says:

    Ang ganda nito. Nakakaiyak.🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s