pasensya na

Sabihin mo nga sa akin, ano’ng gagawin mo kapag mahal na mahal mo siya. At hindi ka lang basta masaya, o basta masayang-masaya, kundi maligaya, at minsan, kapag magigising kang dis-oras ng gabi, nabubulong mo sa sarili mong wala ka na yatang mas ikaliligaya pa. At kapag medyo nakainom ka pa’y minsan ay naluluha-luha pa, dahil hindi ka makapaniwalang sa wakas, nakarating ka na sa puntong ito, yung wala ka nang sama ng loob, wala ka nang hinanakit, wala ka nang drama. Sa wakas, kuntento ka na, na tama ang sabi ng APO, “wala nang hahanapin pa”. Nagugulat ka, kasi hindi mo inakalang mag-iiba ang pananaw mo sa loob ng dalawang taon lang. Dati, natatawa ka, at kung lasing ka’y nasusuka pa siguro sa konsepto ng habambuhay, na kesyo hindi iyon para sa iyo, dahil mabilis kang magpalit ng isip, dahil madali kang magsawa, gusto mo lagi ng bago, at ayaw mong matali sa sitwasyong hindi mo na mapapalitan kailanman. Pero ngayon, bakit ganun?, nahipan ka ba ng hangin?, ito na ba ang karma mo?, parang tumaliwas ka sa lahat ng itinaga mo sa bato, kinain mo lahat ng sinabi mo, at okey lang sa’yo, kasi sa totoo lang, ang saya pala ng malamang nahanap mo na siya. Yung handa mong sabihan ng habambuhay gaano man katangang desisyon. Yung naisip mo nang, “ah, ito ang magiging tatay ng mga anak ko”, o “ah, lahat ng desisyon ko, kasama siya”, o “ah, kung hilingin man niya, iiwan ko ang lahat, pikit-mata.”At napapailing ka na lang, kasi hindi ikaw yan, ano’ng nakain mo? Ngingiti ka na lang, habang sinasabing, “ewan ko.”

Sabihin mo nga sa akin, ano’ng gagawin mo, kung ang tagal mo nang hinihintay,  kung handang-handa ka nang um-oo, kung siya na lang ang kulang, tapos malalaman mong, oo, mahal ka niya, pero habambuhay ba? Pasensya na, pasensya na.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s