Tungkol dapat ito sa tato ko, kaso

Kapag may tao sa gilid kong napapansin ko mula sa peripheral kong tumitingin sa’kin nang lampas sa limang segundo, ang naiisip ko agad, hindi “ay, nagagandahan ‘to sa’kin”, kundi “ay, na-ku-curious ‘to sa tato ko”. Tapos kung sobrang curious siya at feeling close, magbibilang ako ng limang segundo pa, magtatanong na yun, “ano’ng ibig sabihin nyan?” sabay turo sa tato kong tatlong letrang alibata sa ilalim ng kanang tenga ko.

Kapag nasa mood akong mang-good time, ang sinasagot ko, “ang buhay ng Kristiyano ay masayang tunay”. Kadalasan, maniniwala sila, “ah talaga? Ba’t ang iksi?” tapos, dahil parang umeepekto ang acting ko, partida wala pa akong acting background nyan a, papatol pa ako, “”ang bu-hay” pa lang yan, saka ko na ipapalagay yung “ng Kristiyano ay masayang tunay” (na may dagdag pang “-Hay! -Masayang tunay! -Hay!” kapag mas ganado pa ako umakting) kapag may pera na ako.” Sa puntong ‘to, may naka-get na ng punchline, at meron ding paniwalang-paniwala pa rin, kaawaan sila, at naiisip ko na lang sa sarili ko, “syet, ganun ba ako kagaling umakting, mag-artista na lang kaya ako? Kaso di ako maputi tsaka di ako magaling sumayaw, pano ako mag-a-ASAP?”, bukod sa “syet, ito ang mga taong madaling maholdap, Panginoon, Kayo na po ang bahala sa kanila.”

Ang totoo, ang tato ko ay simple lang ang ibig sabihin, alibatang “ilaya”, at iyan ang sinasagot ko kapag may panahon akong magpaliwanag at sumagot sa mga follow-up questions tulad ng “ano yun, pangalan mo?”. Parang pangalan ko na rin, kasi mula college, kapag nagsusulat ako, ilaya ang ginagamit kong pangalan, wala, gusto ko lang. Nakuha ko yun sa teacher ko sa Social Science 2 nung freshman ako sa UP (nakalimutan ko na ang pangalan nya), nung inaaral namin ang mga sinaunang Pilipino, na yung “ilaya” ay kabilang ibayo ng ilog, ka-partner ng “ilawod”. Tapos dinagdag pa ni ma’am, yun daw ang pangalan ng anak nya, Ilaya. Maganda ngang pangalan, naisip ko, parang pangalan lang ng kalye sa Maynila, pero syempre pag tinanong kung ano ibig sabihin ng “Ilaya”, ang dapat isagot ay “itaas ng ilog” para tunog-matalino, kahit kalye naman talaga siya.

Nitong huli, naisip ko, kapag nagka-anak ako, Ilaya ang ipapangalan ko sa kanya, ke lalaki o babae. Tapos paglaki nya, makikita nya ang tato ko, at sasabihin ko, “ayan, wala ka pa man sa mundo, parte na kita, ma-touch ka” kaya sana hindi ako masyado magka-wrinkles sa ilalim ng tenga, baka tawanan lang ako ng anak ko, hindi siya ma-touch masyado.

Balak ko uli magpa-tato, sa gilid ng kaliwang kamay ko, “manalig. umibig. Lumigaya.” na cursive. Ewan ko, gusto ko lang ipaalala lagi sa sarili ko. Dapat nung bandang November, pina-tato ko na yun kay Juanlu uli, kaso nga lang, ayaw ni Michael. Hindi nya sinabi kung bakit, basta ayaw nyang magpa-tato pa uli ako, wag daw please, kasi siguro, madumi tignan, saka ang tanong nya, “para saan?” Sinabi ko kay Irene na hindi muna ako tutuloy, siya dapat ang kasama ko magpa-tato. Nung nalaman nya kung bakit, ang sabi niya, “Hala baket? Magpapapigil ka naman? At kelan ka pa napigilan magpa-tattoo??”

Ngayon lang. Smiley.#

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s