Namimiss ko siya

tpsKung may sarili man akong namimiss ko, yun yung sarili ko nung kaka-graduate ko pa lang sa UP, nung nag-eedit pa lang ako ng mga ballet recital sa Katipunan na P1000 per project na tatapusin ko ng dalawang araw pagkatapos kinabukasan, maglilibot sa Makati para magpasa ng resume na ang 2×2 picture ay ang graduation picture kong maganda ang lighting at make-up, para bang sinasabing, “oo na, fresh grad ako, oo na, ako lang ang papayag sa 10k/mo minus tax pa dahil wala pa naman akong karapatan pang mag-inarte kahit sabi ni Oble, matapang daw ako, matalino, walang takot, kahit kanino”.

Yun din yung sarili kong kapag tinanong ng “ano bang gusto mo maging paglaki–” e hindi pa tapos ang tanong e sasabihin ko agad, “maging direktor po” na may kasamang ngiting puno ng kasiguraduhan na parang walang makakapagsabing “hindi ka magiging direktor” dahil baka mapatay ko siya on the spot.

Yun ang sarili kong galit na galit, naiiyak pa sa galit, kapag may maling nangyayari sa trabaho, kapag may taong namumura at  napapahiya sa harap ng mga tao, kapag may mga crew na hindi man lang mabigyan ng tamang mahihigaan, sa karton lang natutulog, kapag nakaka-four shooting days na kami, kapag may mga bagay sa sistema na hindi ko na mabago at nakakainis kasi dapat hindi ganun eh, dapat ganito, kasi mali yun, may natatapakan habang sila, umuusad, nagpapakasaya, walang ginagawa kundi manigaw lang at mamahiya. Tapos itetext ko si Glenn, na bat ganito dito, ganito ba talaga, wala man lang nagsabi, tapos maiiyak ako, dun sa banyo, sa portalet, kung saan hindi ako makikita, na tangina, ang iniiyakan ko e tanginang mediocrity at maling pamamalakad lang pala, kung maka-iyak naman e akala mo dahil sa sakit ng unang pag-ibig.

Yung sarili kong nay notebook galing Papemelroti na puno ng mga ideyang gagawin kong pelikula balang araw, ng mga linyang gagawin kong linya sa pelikula ko balang araw, ng mga tulang maiiksi at mahahaba, ng mga drowing ng kung anu-ano, ng mga pangarap na parang matutupad ko talaga balang araw na para bang ang balang araw e ilang months lang from now, ilang paligo lang from  now, na hindi nabubura ng panahon, ng “ang tanga mo, wala ka bang common sense?”, na hindi pa nababahiran ng mga pangarap na yumaman o ng pangarap magka-kotse o ng pangarap na mabayaran ang condo, please Lord, in lieu of wag nang  masigawan sa trabaho, cash na lang.

Yung sarili kong  gustung-gustong nagmamahal. Na iniinda ang sakit, ang lungkot, ang galit na dulot ng pagmamahal na para bang siya na ang pinaka-inaping tao sa mundo, pasintabi sa mga biktima ng pang-aabuso o prisoners of war o mga sinamantala nung World War 2. Na iniiyakan ang bawat sakit, sasabihin pa, ang sakit-sakit, ang sakit-sakit na, na hindi man lang naiisip na napaka-korni nun, parang nasabi nga ata yun ni Jolina at Marvin, ganun na ka-korni, pero sa dulo, gustung-gusto pa rin niya ang maiyak at masaktan, dahil lang sa gustung-gusto niya talaga ang magmahal.

Yun ang sarili kong namimiss ko. Hindi ko mailarawan nang buung-buo, kung paano ko naiimagine sa utak ko, nang konting salita lang ang gagamitin ko. Basta, siya. Kilalang-kilala ko siya. Kilalang-kilala ko pa rin siya.

Ang tanong, kung kilala pa rin niya ako.#

5 Comments Add yours

  1. val says:

    Ganda ng litrato natin, bosing.🙂

  2. ilayaonline says:

    that was three years ago. :s

  3. lunabertigo says:

    naiyak ako. (hikbi)

  4. ilayaonline says:

    wow talaga? alam mo mga two weeks ago, binasa ko uli to, nalungkot uli ako. =(

  5. ilayaonline says:

    …at binasa ko uli. haaaaaaay.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s