Ilaya Ilaya


A subtle reminder that I will be 28 soon
January 10, 2012, 4:17 pm
Filed under: We are all but punchlines | Tags: , , , ,

Joss Stone’s Super Duper Love is playing on MYX now. . .on a segment called “Backtrax”. It’s their version of MTV Classic.

Yeah.



lantern parade

Sabi ng site stats ko, marami raw napadpad dito dahil sa pag-Google ng “kailan ang valentines day”. Sayang, ngayon ko lang nakita. Ano kayang nangyari sa kanila nung Feb 14, no? Masaya kaya sila? Ignorance is bliss daw eh.

Naalala ko tuloy nung isang kinaumagahan ng Lantern Parade sa UP. Naglalakad ako nun sa Acad Oval, paisa-isa na lang ang mga jeep, halos walang tao, wala ring nagjo-jogging, di pa kasi uso nun ang abs. Papunta ako sa Sunken Garden dahil may Christmas party kami dun ng mga orgmates ko. May lumapit sa’king babae at lalaki, mukhang magkasintahang kaka-monthsary pa lang, magka-holding hands e at galak na galak sa paglalakad, (hindi naman sa judgmental ako), mukhang dinayo pa ang UP para mag-date, malaki kasi ang backpack nung lalaki, “Miss, ano’ng oras yung Lantern Parade mamaya?” Kaswal ko lang sinabi, “Kagabi pa po yun,” tutal kapag bagong in love naman e nothing’s gonna stop us now, diba?

“Ha? Kagabi ba? Ang akala ko ngayon,” medyo tumaas ang boses ng lalaki. “Opo, kagabi yun.” Nagtinginan ang magkasintahan, at ako ay lumakad na’ng mabilis papuntang Sunken Garden, habang naririnig sa background ang “sabi ko sayo kagabi yun e” at “alam mo pala e bat di mo pinilit na kagabi pala”, pero hindi ko na sila nilingon.

Bukod sa ignorance is bliss e alam kong walang sing-drama ang unang LQ. Box out, lalung-lalo na kung di ko naman sariling LQ.



circa libis at mule
January 18, 2011, 6:20 pm
Filed under: We are all but punchlines | Tags: , , , , ,

Nawiwirduhan na ako sa amin ng mga kaibigan ko. Kaya na naming sabihin ang “hay, ang mga kabataan talaga ngayon” e parang kailan lang e kami ang sinasabihang mga pakawala nung gumigimik pa kami noon sa Libis, kahit 2nd year high school pa lang’t kaka-aral pa lang ng Biology, sabay order ng Mule at kunwari’y malalasing pagkatapos ng tatlong bote lang, pa-cool, pa-sosyal, dahil hindi pa nun naiimbento ang pa-art.

Nawirduhan ako nung una akong tinawag na Ate ng isa sa mga ka-trabaho ko sa taping, bilang nasanay akong ako ang tumatawag na Ate sa kanilang lahat. Bigla akong bumalikwas paharap sa kanya, “Wag mo nga akong tawaging ate!”.

“Bakit po, ate ka naman talaga a!”

“Hindi a! Ilang taon ka na ba?”

“22 po.”

Oo na.



phone home
September 3, 2010, 11:22 am
Filed under: We are all but punchlines | Tags:

Mahimbing ang tulog ko nun, sino ba namang hindi mahimbing ang tulog ng alas-tres ng madaling araw lalo’t medyo umuulan pa, nang bigla-biglang ginising ako ni Michael, “gising, huy, gising!”, may kasamang pagtulak pa nang ilang beses, yung tipong paggising na urgent, emergency, tulong, saklolo, sunoooog!, kaya bumangon ako bigla, bumalikwas yata ang tamang tawag dun, agad-agad. Paglabas ko, nananakbo pa nga’t medyo kinakabahan, tumingin si Michael sa taas, tapos sa akin, na parang may gustong ihingi ng sorry pero huli na, gising na ako, naputol na ang tulog kong mahimbing, nasaan ang sunog, Michael, ilabas mo ang sunog! Tumingala ako, at nakita ko ang isang eroplanong maingay, malaki, may pula at dilaw na mga ilaw, lumilipad sa ibabaw namin, hanggang sa unti-unting nawala.  Tumingin ako kay Michael, yung pinakamatalas kong tingin, ”eh,” mahina niyang sinabi, “akala ko spaceship e.”



buzz
August 16, 2010, 5:24 pm
Filed under: We are all but punchlines

internet chat room cartoons, internet chat room cartoon, internet chat room picture, internet chat room pictures, internet chat room image, internet chat room images, internet chat room illustration, internet chat room illustrations

Naaalala ko nung college ako, kapag online yung taong ayokong makausap, nag-iinvisible ako.

Buti na lang nag-mature na ako.

Nag-bu-busy na lang ako.#



Baka bingi, baka lang ha

“Direk, ano pong gusto nyong ipabili?” tanong ni Ate A, ang aming errand runner, kay Direk Joyce sa acting workshop ng Kimmy Dora. (Kahit beterano na ang mga artistang kasama sa pelikula, kailangan pa rin ang acting workshop para maging komportable ang mga artista sa kanilang bagong karakter at sa isa’t isa.)

“Drip tall sa Starbucks,” sabi  ni Direk, “tsaka dalawang Splenda.”

“Okay po,” sabi ni Ate A, sabay alis.

Pinigil ko siya bago tuluyang maglaho, “Ate A isulat mo kaya,” sabi ko, kasi bukod dun e may iba pa yatang pinabibili ang aming producer.

“Hindi na, alam ko  na yun,” at itinuloy nya ang naunsyaming paglaho.

Ipinagpatuloy namin ang acting workshop. Nakalipas ang 30 minuto, wala pa rin si Ate A, kahit nasa kabilang kanto lang ang pinakamalapit na Starbucks. Sabagay, baka mahaba ang pila.

Lumipas ang isang oras, wala pa rin siya. Sabagay, baka sa ibang Starbucks pumunta, na kung tutuusin ay ilang kanto lang naman ang layo mula dun sa malapit na Starbucks sa Morato.

At lumipas ang mahigit isang oras, halos patapos na ang workshop, at sa wakas, dumating na si Ate A, hapong-hapo, may kasamang ga-patak na mga pawis, pero nakangiti, parang may pinagtagumpayan. “Direk, eto na po Starbucks nyo,” sabay abot ng kape ni Direk. ”Sorry po, ang layo  ng Mercury Drug e, tapos ang haba pa ng pila.”

Teka, teka. Mercury Drug?

At iniabot ni Ate A ang isang supot ng Mercury Drug. Sinipat ni Direk ang laman, islomo pa, may halong suspense, siguro dahil bilang direktor ng comedy, alam na niyang malapit na ang punchline. At mukhang kasama siya dun.

Sa loob ng supot, nakita niya. Dalawa nga.

Dalawang Slenda.#



Minsan naiintindihan ko na kung bakit mahirap maintindihan ang mga babae

“Mahal mo ba ako dahil kailangan mo ako? O kailangan mo ako kaya mahal mo ako?”
–Jenny (Claudine Barretto) to Lino (Piolo Pascual), Milan, 2003

Ah Jenny, mahal kita, pero can you rephrase your question? Parang nalito yata ako lalo.#



Nangyayari pala talaga sa totoong buhay yun
February 9, 2010, 4:22 am
Filed under: We are all but punchlines | Tags: ,

http://www.gfxcomments.com/media/20/Cat-waving-hi-X36R5H4OCE.gifNangyayari pala talaga sa totoong buhay yun, yung may kakaway sayo nang buong galak, tapos makikita mo ang pagkaway nya nang buong galak, tapos ngingiti siya nang buong galak, tapos titingin ka sa kaliwa at kanan, left at right kung ikaw nga ba ang kinakawayan at nginingitian niya nang buong galak, e parang ikaw naman, unless yung halaman sa tabi ng escalator ang kinakawayan nya, e di-hamak namang mas maganda ka dun, kaya kakaway at ngingiti ka rin at papantayan mo ang level ng kagalakan niya. Tapos pag hahakbang ka na para lapitan siya, parang on cue, lalabas ang isang tao sa likod mo patakbo sa kanya, at sila ay magbabatian at magpapataasan ng level ng kagalakan na kahit ipag-combine pa nila at i-times three e hindi uubra sa level ng nakakahiyang kagalakang ipinakita mo kanina.

Tapos ikaw ay tatalikod, ilalabas ang cellphone, magpipipindot ng kung anong text kunwari e “unlock” lang naman ang ginawa mo, habang pinapagalitan ang sarili kung bakit sa kaliwa, kanan, left at right ka lang lumingon, sabay maglalakad palayo ng sobrang bilis, hindi mo sure kung pa-dakong Burger King o McDo basta ang point, lumayo ka nang malayung-malayung-malayo, kesyo NLEX pa yan o SCTEX, bsta dun sa walang bahid ng kagalakan at halaman sa escalator. Dun kung saan mapapaisip ka, parang yung lightbulb moment ni Oprah, na syet hindi pala inimbento lang ng mga scriptwriter yung mga ganung eksena.

Bukod sa, Lord, kailangan bang ako na naman ang punchline?#



Libro, wag kang pupunta sa kanto nila, kung gusto mong magka-Book 2.

Sabi ng isang libro na aksidente kong nabuklat sa Fully Booked sa Trinoma: “A wise woman must give sex very few, very seldom, and above all, very grudgingly.”

At natawa ako nang malakas, yung may sound. Tinext ko ito sa mga piling-piling kaibigan. Yung alam kong masisiyahan ako sa iba’t ibang level ng galit sa mga reply nila.

Salamat mga kaibigan kong guilty, ang saya-saya ko nung araw na yun.

At base sa kanilang reply, kung sino man ang nagsabi niyan, wag kang magpapakita sa kanto nila kung gusto mo pa makapagpatuloy magsulat ng susnod mong libro.

Pasensya, hindi ka naabisuhan, ang hindi “wise” na guilty, ibang klase magalit. Pumapatol sila kahit sa libro.#



Ang katangahan, kung wala sa iba, nasa iyo
April 6, 2009, 3:00 am
Filed under: We are all but punchlines

Hindi sa lahat ng pagkakataon e nagagamit natin ang ating utak. Tulad ng habang natutulog at nasa kasagsagan ng pananaginip, o habang nasa bus at nakatulala lang kasi, ah, masarap lang tumulala, o habang nanonood ng isang walang kwentang telenovela kung saan ang kontrabida ay hindi natatamaan ng bala kahit pinagbababaril na siya ng limang NBI plus bida plus leading sidekick niya plus limang pulis (ay, huli nga pala sila lagi dumadating). O habang bumibili ng fishballs sa kanto.

Tapos nang mag-tusok ng kanyang fishballs si Bong. Mamantika pa at malutong pa at mainit-init pa. Oras na para isawsaw na ito sa kanyang mapipiling sawsawan na nasa mga garapon sa tabi ng lutuan ni Manong. Sweet, o spicy, o suka.

“Suka,” pagpili ni Bong.

Isinawsaw ni Bong ang fishballs. At tinikman ang fishballs. Nag-iba ang mukha ni Bong. Matabang na may pagtataka, na may kaunting inis, sa hango ng “the customer is always right”.

“Kuya, ba’t hindi maasim tong suka nyo??” sabi ni naimbyernang Customer Bong.

Sabay tingin si Manong sa tinuro ni Customer Bong.

“Ahhh hindi naman po suka yan e,” sabi ni Manong. “Pang-linis po yan ng pangluto ko.”

Ah.

Sorry na, gutom lang. Tsaka baka tanga na rin.#




Follow

Get every new post delivered to your Inbox.