Di ko inakala na makakapunta ako sa Greece. Pero dahil mabait si God at si Direk Joyce Bernal (pati sina Ayrin, Marian Rivera at Tatay Joe, na nag-donate sa “Oplan: Isabit si Tonet sa Byaheng Greece”), paggising ko mula sa pagkahaba-habang flight, andun na ‘ko sa Santorini bilang sabit na script continuity para sa pelikulang For The First Time ng Star Cinema. Sa totoo lang, hindi ganun kasaya ang karanasan sa Greece, pero nung tumigil nang mag-roll ang camera (na tilt at pan lang ang movement, dahil wala kaming dolly o mini-jib, sorry na, indie shoot lang, Greece yun e), dun nag-umpisang humiwaga ang Greece.
Tulad nung last day ng shooting at nagpaiwan kami ni Ayrin sa Oia kahit hindi namin alam kung paano kami makakabalik sa apartment dahil wala nang service at mahal naman ang taxi. Pero nagkwentuhan pa rin kami sa isa sa mga restaurants dun, umorder ng masarap na cake, kumain nang wala nang kunsumisyon dahil sa pelikula, tumingin sa Aegean Sea, hanapin ang nawawalang buwan, at bumuntung-hininga, sabay sabing, syet nasa Greece tayo, syet kumakain tayo ng cake sa Greece, syet tapos na ang pelikula, syet nasa harap natin ang Aegean Sea, syet paano tayo uuwi. Pero dahil sa hiwaga ng Santorini kapag tapos na ang shooting, nakauwi naman kami sa paraang napaka-Pinoy. Lakad. Alay-lakad.
Na sa sobrang layo, napagkwentuhan namin ang buhay-TV, Marimar, Dyesebel, si ganito, si ganun, ang ano, ang ano pa, na mga bagay na pinag-uusapan naman namin dati pero parang nun pa lang namin pinag-uusapan, na parang bago pa lang. Pag-uwi namin, may pa-last day party ang isang Pinoy dun. At kami ay naglasing-lasingan nina Direk Joyce, Ayrin at KC Concepcion habang kumakanta ng Linger, You Oughtta Know at God Bless the Broken Road. Sino’ng mag-aakala na isang araw ay makakanta ko si Alanis sa Santorini? Kahit maling akala, wala.





