Kung may sarili man akong namimiss ko, yun yung sarili ko nung kaka-graduate ko pa lang sa UP, nung nag-eedit pa lang ako ng mga ballet recital sa Katipunan na P1000 per project na tatapusin ko ng dalawang araw pagkatapos kinabukasan, maglilibot sa Makati para magpasa ng resume na ang 2×2 picture ay ang graduation picture kong maganda ang lighting at make-up, para bang sinasabing, “oo na, fresh grad ako, oo na, ako lang ang papayag sa 10k/mo minus tax pa dahil wala pa naman akong karapatan pang mag-inarte kahit sabi ni Oble, matapang daw ako, matalino, walang takot, kahit kanino”. Read the rest of this entry ?
Archive for the ‘Mastercard moments, if you know what I mean’ Category

Namimiss ko siya
June 10, 2009
Hindi lang halata, pero ma-drama na tayo nung bata pa, tanong mo pa sa guard nung nawala ka sa SM
April 12, 2009
Lagi nating sinasabi, ang sarap ng buhay nung bata pa tayo. Simple lang ang mga problema, ang inaalala lang e kung tutubuan ba ako ng puno ng santol sa lalamunan gaya ng sabi ni Ali kasi nakalunok ako ng buto o kung paano pipigilin ang luha ko sa harap ng mga kalaro kong lalaki sa kickball nung nauna kong sipain ang hangin kesa sa bola, at hindi kung saan kukuha ng perang pambayad ng condo nang hindi nabebelow-minimum ang ATM account, o kung paano pipigilin ang luha sa harap ng mga taong feeling God o kanang-kamay ni God nung masabihan kang tanga kaya bibilang ka na lang ng 1 to 100 na sheep na tumatalon sa fence habang sinasabi sa sarili, pagpasensyahan mo na sila, hindi siguro sila naarawan nung bata at nakapag-kickball sa kalsada. Read the rest of this entry ?

Hindi siya bakla, mapanghusga ka lang
April 6, 2009
“Bakit ka ba umalis ng Pilipinas?” tanong sa kanya. Medyo matagal na kasi siyang nasa Amerika, na nakakagulat, kasi parang masaya naman ang buhay at career niya dito sa’tin.
Sabi niya, isa sa mga dahilan e hindi na raw niya makayanan ang tsismis na bakla daw siya. At sumunod ang isang mahabang litanya tungkol sa kanyang pagkadismaya. Sumama daw talaga ang loob niya sa isyung yun. Na pinagtsi-tsismisan na bakla siya. Na pinagpipyestahan ang pagkatao niya. Na ayaw niyang—
Nang biglang may nag-ring na cellphone.
“All the single ladies! / All the single ladies! / Now put your hands up!…”
Katahimikan. Nagkatinginan.
Cellphone nya, at ang kanyang ringtone na tsina-challenge kung hanggang saan natin kayang hindi maging judgmental.
E parang hanggang kanto lang.
Anuba, hindi. Hindi nga daw siya bakla. Mapanghusga ka lang.#

Sa bawat departure, may arrival, tanong mo pa sa airport
February 22, 2009
Nasa departure area kami nun ng NAIA, papuntang Santorini, Greece para sa shooting ng For the First Time. Ang dala ko, dalawang malaking bag lang. Hindi rin ako malungkot. E isang linggo lang naman kami sa Greece, alam kong babalik ako. Wala ring kapamilya o kaibigang naghatid sakin papuntang airport, mga staff at crew lang ang kasama ko.
Pero sa paligid ko, ang dami-daming malalaking bag, na nakalagay pa sa mga pushcart, yung alam mong yung pag-impake nila e hindi lang sila isang linggong mawawala. Tapos andaming nag-iiyakan, andaming nagyayakapan, andaming nagpapaalaman, yung parang hindi nila alam kung kelan pa uli babalik yung isa. Nanay sa anak. Anak sa magulang. Asawa sa asawa. Boyfriend sa girlfriend. Iiwan sa mang-iiwan.
Tinext ko si Ethel na ang tatay ay OFW sa Saudi, na minsan lang sa isang taon kung makauwi: “Ganito pala kalungkot sa departure area. Walang kasing lungkot.”
At ang sagot niya: “Isipin mo na lang kung gaano kasaya yung arrivals area.”
Ngayong taon, nasa arrivals area si Ethel.#

Pa-order nga po ng pag-ibig, with extra cheese, willing to wait
February 13, 2009
May kilala akong hindi pa nagkaka-boyfriend since birth. Gusto na raw niyang magka-boyfriend, yung maranasan na kapag pinagalitan siya ng boss niya e merong magsasabi sa kanyang “it’s okay” o kapag pagod na pagod siya galing trabaho e ok lang kasi may kasama naman siyang mag-dinner later with interesting conversation tungkol sa buhay, buwan at bituin. Nag-text siya sakin isang beses, “Argh, I’m the only person I know na hindi pa nagkaka-boyfriend.” Napa-dalawang-isip tuloy ako. Hindi ko alam kung hahanapan ko siya ng boyfriend, o hahanapan ko siya ng iba pang kilala kong hindi pa nagkaka-boyfriend.
May kilala akong baklang umibig sa isang lalaki. Hindi lang sa lalaki, kundi sa lalaking may asawa. At hindi lang basta umibig kundi umibig na nung manganganak na yung asawa nung lalaki, e siya pa yung nagdala sa ospital. Ngayon, over na siya, sabi niya ha. Dati daw kasi, maalala lang nya yung lalaki ay biglang mapapaiyak na lang siya kahit nagtatrabaho pa, at hindi na siya mapapatahan. Ngayon, naiiyak na lang siya kapag naririnig niya ang “I’ll Never Get Over You Getting Over Me”. Huling balita ko, ginagawan siya ng dambana sa may Scout Circle kabilang ang mga kapwa niyang martir na Boy Scouts. May bandang drum and lyre daw sa ribbon-cutting. Tutugtugin ang “I’ll Never Get Over You Getting Over Me” hanggang hindi na siya magpanggap na over na siya. Read the rest of this entry ?

Hu u, sabi ng pre-2008 self ko. Dis is me, reply ng post-2008 self ko, y? angal b u? Part 2
January 30, 2009
Di ko inakala na makakapunta ako sa Greece. Pero dahil mabait si God at si Direk Joyce Bernal (pati sina Ayrin, Marian Rivera at Tatay Joe, na nag-donate sa “Oplan: Isabit si Tonet sa Byaheng Greece”), paggising ko mula sa pagkahaba-habang flight, andun na ‘ko sa Santorini bilang sabit na script continuity para sa pelikulang For The First Time ng Star Cinema. Sa totoo lang, hindi ganun kasaya ang karanasan sa Greece, pero nung tumigil nang mag-roll ang camera (na tilt at pan lang ang movement, dahil wala kaming dolly o mini-jib, sorry na, indie shoot lang, Greece yun e), dun nag-umpisang humiwaga ang Greece.
Tulad nung last day ng shooting at nagpaiwan kami ni Ayrin sa Oia kahit hindi namin alam kung paano kami makakabalik sa apartment dahil wala nang service at mahal naman ang taxi. Pero nagkwentuhan pa rin kami sa isa sa mga restaurants dun, umorder ng masarap na cake, kumain nang wala nang kunsumisyon dahil sa pelikula, tumingin sa Aegean Sea, hanapin ang nawawalang buwan, at bumuntung-hininga, sabay sabing, syet nasa Greece tayo, syet kumakain tayo ng cake sa Greece, syet tapos na ang pelikula, syet nasa harap natin ang Aegean Sea, syet paano tayo uuwi. Pero dahil sa hiwaga ng Santorini kapag tapos na ang shooting, nakauwi naman kami sa paraang napaka-Pinoy. Lakad. Alay-lakad.
Na sa sobrang layo, napagkwentuhan namin ang buhay-TV, Marimar, Dyesebel, si ganito, si ganun, ang ano, ang ano pa, na mga bagay na pinag-uusapan naman namin dati pero parang nun pa lang namin pinag-uusapan, na parang bago pa lang. Pag-uwi namin, may pa-last day party ang isang Pinoy dun. At kami ay naglasing-lasingan nina Direk Joyce, Ayrin at KC Concepcion habang kumakanta ng Linger, You Oughtta Know at God Bless the Broken Road. Sino’ng mag-aakala na isang araw ay makakanta ko si Alanis sa Santorini? Kahit maling akala, wala.

Hu u, sabi ng pre-2008 self ko. Dis is me, reply ng post-2008 self ko, y? angal b u? Part 1
January 30, 2009Kung itetext ng post-2008 sarili ko ang pre-2008 sarili ko, ang irereply siguro ng pre-2008 sarili ko ay: “hu u?”
Aminado naman ako, na binago ako ng 2008. Yung tipong pagbabago na nangyari na lang, yung hindi na inisip, yung bago ka pa nagka-wisyong isipin e andun na yung pagbabago, yung tipong pagbabagong pati sarili mo ay ginulat mo, tapos sa dulo hindi naman pala masyadong kagulat-gulat, medyo lang.
At yun pala ang pinakamasarap na pagbabago. Yung inaakap na lang.
Nagtapos nung 2008 ang Marimar at nag-umpisa naman ang Dyesebel. Mga TV show lang sila, pero binago nila ang mga paniniwala at pananaw ko. Na okey lang pala hindi masyadong seryosohin ang mga bagay-bagay. Na okey lang pala sumubok ng bago. Na okey lang pala magkamali, bakit sino bang nagbibilang? Na okey lang pala magdesisyon nang di pinapaputi ang buhok sa kakaisip nang malalim. Na okey lang magdesisyon nang tatlong segundo lang pinag-isipan, tapos kung mali pala ang desisyon, okey lang pala, bakit, perfect ka? Na okey lang pala. Okey lang. (TV show pa lang sila ng lagay na yan a, e pano pa kaya kung nag-anyong tao pa sila? Actually, parang okey lang.) Read the rest of this entry ?

Ang pikon, talo; ang pikon sa bata, doble-talo
November 2, 2008
Kinuha si Rue Ann, na noo’y 4, ang kyut naming kapitbahay, bilang artista sa isang short film. Ang location, sa maingay at maligalig na playground sa Krus na Ligas, sa tabi ng kalsada. Kasama niya ang kanyang stage Mommy. Simple lang naman ang pinapagawa sa kanya. Maglalaro lang sa playground. Nung umpisa, professional pa si Rue Ann, sumusunod pa sa direktor. Ngunit nung tumagal-tagal, nag-alburuto na si Rue Ann. Ayaw nang umarte. Ayaw nang sumunod sa direktor. Ayaw tumahan at paawat. Ang gusto lang niya ay umiyak at magsisigaw at umiyak pa.
Nag-panic na si Mommy. “Sige, sabihin mo kung ano’ng gusto mo, bibilhin ko, matigil ka lang. Kendi? Softdrinks?” sabi ni Mommy.
Bahagyang tumigil si Rue Ann sa pag-iyak. Parang napaisip.
Tumingin si Rue Ann sa Mommy. “Kalapati.”
Nung hapong yun, umuwi ang kanyang mommy, hapong-hapo. Habang si Rue Ann, nakangiti. May bitbit na kalapati.
Santa Claus, lagot ka kay Rue Ann sa Pasko.
Si Liam naman, na noo’y 5 siguro, lumaking mulat sa mundo. Lalo sa mundo ng showbiz at gay lingo.
Tulad kunwari ng pechay.
Sa mundo ng showbiz at gay lingo, ang pechay ay ginagamit na termino para dun sa ibabang maselang bahagi ng mga babae.
Isang hapon, umuwi si Liam galing eskwela, tumakbo sa kanyang mommy, at ibinahagi ang kanyang bagong mahiwagang nadiskubre:
“Mommy, ang pechay pala, gulay din?”
Sabi ko na nga ba, dapat isinama ang pechay sa Bahay Kubo e.#

And I quote Bb. Joyce Bernal
September 28, 2008
1. Joyce Bernal: (through text) Tonet, tanong mo kina Marian, Paolo, Helen, Jing, etc kung ano’ng gusto nila sa Starbucks.
Tonet: Ok. Wait lang po.
Tonet: (after five minutes) Ayrin- iced cafe mocha with extra shot espresso; Tonet- iced cafe mocha; Ms Helen, May- caramel macchiato; Denoy- coffee frappe light; Marian- chocolate cream; Erwin- caramel macchiato hot; Kuya Odie- mocha frappe; Kuya Rommel, Kuya Allan- iced cafe mocha
Tonet: (after one minute) Eto pa po: Tata Joe- hot mocha; Earl- coffee jelly w/o whipped cream; Paolo- ensaymada; Ms Jean- hot chocolate
Joyce Bernal: (after one minute) SARADO NA ANG STARBUCKS!!!
Tonet: Waaaaaaaah!
Joyce Bernal: E kung makapag-order ka naman kasi, parang magra-run ako for mayor!
Tonet: E Direk! Ang lawak naman kasi ng etc no!
Joyce Bernal: Tse! You’re fired! Leave this country!
Pagdating niya sa set, nabili niya lahat ng order.
2. Joyce Bernal: Naglalakad kami sa mall [ng kaibigan ko]. May nakita kaming babae: naka-camouflage pants. Naka-camouflage na cap. Naka-camouflage na jacket. Ang tawag sa get-up nya: Over-fatigue.
3. Joyce Bernal (habang set-up pa ng isang malaking eksena sa Marimar): Tonet, matutulog lang ako sa van. Gisingin mo’ko after 15 minutes. 15 minutes ha.
Tonet (after 15 minutes; nag-alarm na ang timer sa cellphone): Direk, gising na po.
Joyce Bernal: Tse! Ang strict mo naman!
4. Joyce Bernal (sa isang talent (extra) na sireno sa Dyesebel na dapat ay hahagupitin nang malakas na malakas ang likod ni Bukanding (Paolo Ballesteros) bilang parusa): Kuya, ang hina mong humagupit, nasa foreground pa naman kita! Ang lambot mo, para kang pinakuluan!
5. Joyce Bernal (sa isang talent na sobrang puti ng make-up sa mukha): Ate, taga-GMA Kapuso Foundation ka ba?
6. Joyce Bernal (dahil sa kanyang goal na turuan ng mga ka-jologsan si KC): Ang epal, ibig sabihin, makapal, sumisingit sa di naman dapat, nakiki-eksena. Epal. Umeepal.
KC (after some time): Direk, I’m epal na! (pero ang pagka-pronounce ni KC ay hindi pa rin pang-jologs na balahura. May class at finesse pa rin. “Ahp-hul.”)
Joyce Bernal: KC, yung “epal” mo, papunta na sa fruit.
7. Joyce Bernal (to Dysebel’s Associate Producer on phone, sa set noon ng Marimar na malapit nang matapos; ise-sked na ang location-hunting sa Coron, Palawan para sa Dyesebel): Ibili mo rin ng ticket si Tonet. Sya yung script continuity ko. Ako bahala sa pamasahe niya. Isasama ko sa Palawan.
8. Joyce Bernal (sa set noon ng For the First Time habang nagkakape sa Serendra): Tonet, isasama kita sa Greece. Ako bahala sa kalahati ng pamasahe mo.
9. Joyce Bernal (through text, madaling araw, Aug 30, 2008): Tonet, ano’ng full name mo?
Tonet: Antoinette Jadaone po.
Kinagabihan, concert ng Eraserheads sa The Fort Open Grounds. Hindi nakalagay ang pangalan ko sa VIP list ng Sony BMG (mula sa kabaitan ni Chino ng Silent Sanctuary); yun ang inaasahan kong guest pass ko. Tinext ko si Direk Joyce (na nasa taping pa nun ng Dyesebel sa Subic; nag-absent lang kasi ako): “Direk, hindi ako makapasok!!! Waaaah! Hindi ako nagpapa-panic.” Agad na pinakausap ako ni Direk Joyce kay Julie (staff ng Eraserheads). “Anong pangalan mo?” tanong ni Julie. “Antoinette Jadaone po.” “Sige, pasok ka na,” sabi agad ni Julie.
Nasa VIP list daw ako ni Ely. Ipinasok ako ni Direk Joyce, kaninang madaling-araw lang.
10. Tonet (sa isang inuman kasama ang ilang cast ng Dyesebel): Oo, mahal ko po ‘tong si Direk Joyce.
Joyce Bernal: Sus, parang hindi naman!#

Eheads Reunion
August 30, 2008
Hindi ko alam kung paano ko ito isusulat nang hindi ako napapatulala. Hindi ko alam.
Nagsimula ang countdown sa 10:00. Ang tagal pala ng sampung minuto, bakit kapag nag-su-snooze ako ng alarm, parang five minutes lang? Nung dumating na sa wakas ang 1:00, ang pakiramdam ko e parang yung itinataas ako sa Space Shuttle at hinihintay ko na lang yung hudyat na mahuhulog na ‘ko. Ang lamig sa katawan, parang umabnormal yung heartbeat ko, kung may heartbeat pa ako. (Kung wala na, may mga medical team naman daw na nakapaligid sabi ni Announcer for the nth time.)
At natapos ang isang minuto, at nagsimula ang maiksing picture montage. At biglang narinig ko ang introng pamilyar–ten ten ten ten tenetenten ten ten ten ten tenenenten maaay. At nagliwanag ang stage. At lumabas silang apat. At nakita ko si Ely. At nakita ko sila.
Ang Eraserheads.
At ako? Ako ay nawala.
Hindi ko inakalang ganun pala ang pakiramdam. Higit pa sa inakala kong saya. Higit pa sa inakala kong pagtalon. Sa inakala kong pagsigaw. Sa inakala kong paghabol sa hininga. Sa inakala kong pagsabay sa kanta. May tamang salita dyan. Suryal.
At mula dun, hindi na ako naalis sa ka-suryalan–mula Alapaap hanggang Sembreak hanggang Huwag Mo Nang Itanong hanggang Ligaya hanggang Kailan hanggang Hey Jay hanggang Toyang hanggang mga kantang hindi ko alam ang buong lyrics.
Sabhin mo sa akin: Gaano kasarap marinig ang Alapaap na kantahin nang sabay-sabay ng libu-libong mga tao na parang isinulat yun ni Ely para sa bawat isa satin? O ang Kailan sabay taas ng kamay nang pakanan at pakaliwa? Gaano kasarap kantahin ang With a Smile kasabay si Ely habang nakangiti dahil may naaalala? O ang paghaya kay Ely na kantahin ang “naaalala kita pag umuulan” dahil alam mong hahayaan ka niyang kantahin ang “sembreak”? O ang Toyang habang sumisigaw ng “pero pero pero malinis ‘to / pati sa kusina” nang buong gilit sa leeg? Gaano kasarap kantahin ang Harana habang tumatalon kasabay ang katabi mong hindi mo naman kilala? O ang pumalakpak sa dulo ng bawat kanta na tunog-”maraming, maraming salamat” na totoong galing sa puso? Gaano kasarap? Walang kasing-sarap.
At ngayon, napapatulala na naman ako. At hindi pa rin makapaniwala.
Pasensya na, kung ako ay naluluha, mababaw lang talaga ang luha ko.
Kung kinanta rin sana nila ang Minsan (maiiyak ako, lalo sa “minsan tayo ay naging / tunay na / magkaibigan”, dahil para sa inyo yun, Ely) at Para sa Masa (maiiyak ako, dahil para sa amin yun, lalo na sa “naaalala nyo pa ba / binigyan namin kayo ng ligaya?”, dahil hindi ako makakalimot, Ely), baka hindi ko na matapos ito.
At pagdating ng araw na maririnig kong kantahin at tugtugin nina Ely, Raimund, Markus at Buddy iyon sa harap ko, kasama uli ang libo-libo mga taong kilala at hindi ko kilala, hindi ko mapapangako na malalaman ko na nun kung paano isulat yun nang hindi napapatulala.
Ganun nga siguro kapag pinipilit mong isulat nang tunay ang isang bagay na suryal.
Hindi ka nagtatagumpay.#