Archive for the ‘Abba said it so brilliantly’ Category

h1

Eheads Reunion

August 30, 2008

Hindi ko alam kung paano ko ito isusulat nang hindi ako napapatulala. Hindi ko alam.

Nagsimula ang countdown sa 10:00. Ang tagal pala ng sampung minuto, bakit kapag nag-su-snooze ako ng alarm, parang five minutes lang? Nung dumating na sa wakas ang 1:00, ang pakiramdam ko e parang yung itinataas ako sa Space Shuttle at hinihintay ko na lang yung hudyat na mahuhulog na ‘ko. Ang lamig sa katawan, parang umabnormal yung heartbeat ko, kung may heartbeat pa ako. (Kung wala na, may mga medical team naman daw na nakapaligid sabi ni Announcer for the nth time.)

At natapos ang isang minuto, at nagsimula ang maiksing picture montage. At biglang narinig ko ang introng pamilyar–ten ten ten ten tenetenten ten ten ten ten tenenenten maaay. At nagliwanag ang stage. At lumabas silang apat. At nakita ko si Ely. At nakita ko sila.

Ang Eraserheads.

At ako? Ako ay nawala.

Hindi ko inakalang ganun pala ang pakiramdam. Higit pa sa inakala kong saya. Higit pa sa inakala kong pagtalon. Sa inakala kong pagsigaw. Sa inakala kong paghabol sa hininga. Sa inakala kong pagsabay sa kanta. May tamang salita dyan. Suryal.

At mula dun, hindi na ako naalis sa ka-suryalan–mula Alapaap hanggang Sembreak hanggang Huwag Mo Nang Itanong hanggang Ligaya hanggang Kailan hanggang Hey Jay hanggang Toyang hanggang mga kantang hindi ko alam ang buong lyrics.

Sabhin mo sa akin: Gaano kasarap marinig ang Alapaap na kantahin nang sabay-sabay ng libu-libong mga tao na parang isinulat yun ni Ely para sa bawat isa satin? O ang Kailan sabay taas ng kamay nang pakanan at pakaliwa? Gaano kasarap kantahin ang With a Smile kasabay si Ely habang nakangiti dahil may naaalala? O ang paghaya kay Ely na kantahin ang “naaalala kita pag umuulan” dahil alam mong hahayaan ka niyang kantahin ang “sembreak”? O ang Toyang habang sumisigaw ng “pero pero pero malinis ‘to / pati sa kusina” nang buong gilit sa leeg? Gaano kasarap kantahin ang Harana habang tumatalon kasabay ang katabi mong hindi mo naman kilala? O  ang pumalakpak sa dulo ng bawat kanta na tunog-”maraming, maraming salamat” na totoong galing sa puso? Gaano kasarap? Walang kasing-sarap.

At ngayon, napapatulala na naman ako. At hindi pa rin makapaniwala.

Pasensya na, kung ako ay naluluha, mababaw lang talaga ang luha ko.

Kung kinanta rin sana nila ang Minsan (maiiyak ako, lalo sa “minsan tayo ay naging / tunay na / magkaibigan”, dahil para sa inyo yun, Ely) at Para sa Masa (maiiyak ako, dahil para sa amin yun, lalo na sa “naaalala nyo pa ba / binigyan namin kayo ng ligaya?”, dahil hindi ako makakalimot, Ely), baka hindi ko na matapos ito.

At pagdating ng araw na maririnig kong kantahin at tugtugin nina Ely, Raimund, Markus at Buddy iyon sa harap ko, kasama uli ang libo-libo mga taong kilala at hindi ko kilala, hindi ko mapapangako na malalaman ko na nun kung paano isulat yun nang hindi napapatulala.

Ganun nga siguro kapag pinipilit mong isulat nang tunay ang isang bagay na suryal.

Hindi ka nagtatagumpay.#

h1

Para sa (Eheads) Masa

August 29, 2008

Ito ay para sa mga masa
sa lahat ng fans ni Ely Buendia
sa lahat ng aabsent sa trabaho’t eskwela
sa lahat ng na-inspire magkabanda
sa lahat ng nangutang pa ng pera
sa lahat ng may gulanit na mga album nila
sa lahat ng nagalit sa DOH tangna nila
sa lahat ng sumuko’t hindi na umasa
sa lahat ng may problema pa rin sa pera
sa lahat ng masa.
sa lahat ng masa.

h1

Eheads

August 29, 2008

Iniisip ko pa lang kung paano nila kakantahin ang Para Sa Masa (“Naaalala nyo pa / binigyan namin kayo ng ligaya? / …Mapapatawad mo ba ako / kung hindi ko sinunod ang gusto nyo?”) at Minsan (“At kung ikaw ay mapadaan / baka / ikaw ay aking tawagan / dahil minsan tayo ay naging / tunay na / magkaibigan”), naiiyak na ako.

Naiiyak na ako.