Lagi nating sinasabi, ang sarap ng buhay nung bata pa tayo. Simple lang ang mga problema, ang inaalala lang e kung tutubuan ba ako ng puno ng santol sa lalamunan gaya ng sabi ni Ali kasi nakalunok ako ng buto o kung paano pipigilin ang luha ko sa harap ng mga kalaro kong lalaki sa kickball nung nauna kong sipain ang hangin kesa sa bola, at hindi kung saan kukuha ng perang pambayad ng condo nang hindi nabebelow-minimum ang ATM account, o kung paano pipigilin ang luha sa harap ng mga taong feeling God o kanang-kamay ni God nung masabihan kang tanga kaya bibilang ka na lang ng 1 to 100 na sheep na tumatalon sa fence habang sinasabi sa sarili, pagpasensyahan mo na sila, hindi siguro sila naarawan nung bata at nakapag-kickball sa kalsada. Read the rest of this entry ?
Archive for April, 2009

Hindi lang halata, pero ma-drama na tayo nung bata pa, tanong mo pa sa guard nung nawala ka sa SM
April 12, 2009
Ang katangahan, kung wala sa iba, nasa iyo
April 6, 2009
Hindi sa lahat ng pagkakataon e nagagamit natin ang ating utak. Tulad ng habang natutulog at nasa kasagsagan ng pananaginip, o habang nasa bus at nakatulala lang kasi, ah, masarap lang tumulala, o habang nanonood ng isang walang kwentang telenovela kung saan ang kontrabida ay hindi natatamaan ng bala kahit pinagbababaril na siya ng limang NBI plus bida plus leading sidekick niya plus limang pulis (ay, huli nga pala sila lagi dumadating). O habang bumibili ng fishballs sa kanto.
Tapos nang mag-tusok ng kanyang fishballs si Bong. Mamantika pa at malutong pa at mainit-init pa. Oras na para isawsaw na ito sa kanyang mapipiling sawsawan na nasa mga garapon sa tabi ng lutuan ni Manong. Sweet, o spicy, o suka.
“Suka,” pagpili ni Bong.
Isinawsaw ni Bong ang fishballs. At tinikman ang fishballs. Nag-iba ang mukha ni Bong. Matabang na may pagtataka, na may kaunting inis, sa hango ng “the customer is always right”.
“Kuya, ba’t hindi maasim tong suka nyo??” sabi ni naimbyernang Customer Bong.
Sabay tingin si Manong sa tinuro ni Customer Bong.
“Ahhh hindi naman po suka yan e,” sabi ni Manong. “Pang-linis po yan ng pangluto ko.”
Ah.
Sorry na, gutom lang. Tsaka baka tanga na rin.#

Hindi siya bakla, mapanghusga ka lang
April 6, 2009
“Bakit ka ba umalis ng Pilipinas?” tanong sa kanya. Medyo matagal na kasi siyang nasa Amerika, na nakakagulat, kasi parang masaya naman ang buhay at career niya dito sa’tin.
Sabi niya, isa sa mga dahilan e hindi na raw niya makayanan ang tsismis na bakla daw siya. At sumunod ang isang mahabang litanya tungkol sa kanyang pagkadismaya. Sumama daw talaga ang loob niya sa isyung yun. Na pinagtsi-tsismisan na bakla siya. Na pinagpipyestahan ang pagkatao niya. Na ayaw niyang—
Nang biglang may nag-ring na cellphone.
“All the single ladies! / All the single ladies! / Now put your hands up!…”
Katahimikan. Nagkatinginan.
Cellphone nya, at ang kanyang ringtone na tsina-challenge kung hanggang saan natin kayang hindi maging judgmental.
E parang hanggang kanto lang.
Anuba, hindi. Hindi nga daw siya bakla. Mapanghusga ka lang.#

Nas’an ang Datu Puti kung kelan siya kinakailangan?
April 5, 2009
Madalas, tinetest ni God ang ating patience. Kung sinuswerte, sa bahay ka lang pag-eexamin ni God, kung saan kaunti lang ang makakakita ng iyong pag-aanyong-bakulaw.
Nagluto si Diding, ang kasambahay ni May, ng sinigang na baboy para sa tanghalian. Inihain sa hapag-kainan. Tinikman ni May ang mainit pang sinigang. Nilasap-lasap. Nilasa-lasahan. Parang may kulang.
“Diding, ba’t parang matabang ‘tong sinigang mo?” tanong ni May. “Ano bang ginamit mong pang-sigang? Sampalok?”
“Ahh hindi po,” sagot ni Diding.
“Bayabas?”
“Hindi po.”
“Sinigang mix?”
“Hindi rin po.”
“E ano?” huling tanong ni May, na may tonong “Sasabihin mo ba, o habambuhay tayong mag-k-question and answer portion dito?” pero naka-smile pa rin (para baka sakaling hindi mahalata ni God na nagiging impatient na siya).
At sumagot si Diding, matter-of-factly, “Wala po.”
Tahimik. Hinga, May, hinga. Bilang ng 1 to 100. At pabalik.
At nakita sa buong Quezon City ang pinaka-malaking pandidilat ng mata na kung hindi naagapan ay nakasakal ng isang kasambahay na ang tanging kasalanan lang naman ay ang pagluluto ng sinigang na baboy na walang asim na taglay. Isinigang sa tubig.
At dahil pinandilatan lang ni May si Diding, binigyan siya ni God ng inc.#