“May boyfriend ka ba?” tanong sakin ng isang ka-trabaho.
“Oo,” sagot ko, na parang close kami.
At nag-follow up question siya ng isang nakaka-tiwang na follow-up question, “Showbiz o non-showbiz?”
Ha? Ano? Ano daw?, sabi ko sa sarili kong ka-close ko.
Sa sobrang pagka-tiwang ko sa tanong niya, hindi pala kinaya ng sarili kong sa sarili ko lang sabihin ang Ha? Ano? Ano daw?. Napalakas pala.
“Ang tanong ko, kung showbiz o non-showbiz yung boyfriend mo,” paglilinaw ni Ka-Trabaho.
Natahimik ako. Hindi ko na kinayang sabihin ng malakas na “oo, narinig ko, pero kahit 345,786x mo ulitin ang tanong mo, hindi pa rin kita gets”, pero magaling pala pumick-up ang mukha ko ng emosyong kailangan. Na-gets ni Ka-Trabaho ang pagka-tuliro ko kahit walang dialogue.
“Yung girlfriend ko kasi, showbiz rin,” sabi niya.
Medyo naka-recover na ako sa role kong pipi-pipihan. “Ah talaga? Artista?”
“Hindi,” pagpapaliwanag ni Ka-Trabaho, ”PA (production assistant) siya sa [isang primetime show sa GMA].”
Ahhhhhhh. At pinigil ng sound effects “nyenk nyonk nyenk” na lumabas sa aking bibig.
Good for you. Nawa ay hindi mabuwag ng intriga ang inyong love team.#



Matagal nang mahal ni Dino si Issa. At ngayong gabi, sa wakas, sasabihin na niya sa kanya. Bago pa man sila magkita, pinaglamayan na ni Dino ang pag-iisip sa kanyang sasabihin at kung paano niya sasabihin ang simpleng “mahal kita”. Hindi natin siya masisisi. Hindi madaling sabihin yun sa babaeng halos apat na taon na niyang mahal, na nagkataon ay “best friend” (kung anuman ang ibig sabihin nun) pa niya. Kaya kinailangan niyang isulat sa papel, magbura, magdagdag, magsulat uli, basahin ng malakas, at basahin muli. Hanggang alam na niya kung ano at paano sasabihin ang simpleng “mahal kita”.