Archive for October, 2008

h1

Raffle ba kamo? Eto’ng raffle

October 23, 2008

raffle kuno

Katatapos lang nun ng cast party ng Kim Sam Soon, na pinagbidahan ni Regine Velasquez.

“Ibang klase yung pa-raffle ni Regine. Sa ibang raffle diba, may premyo, tas bubunutin yung pangalan nung mananalo,” sabi ng taga-GMA Engineering na Mike na pumunta sa party. ”Dun kay Regine, ikaw mismo ang bubunot ng makukuha mong premyo, kaya lahat talaga, may mauuwi.”

Hindi na ako nagulat, kasi sa cast party ng Paano Kita Iibigin, ganun din ang ginawa ni Ms. Regine sa raffle, kaya lahat may naiuwi. At hindi lang basta-bastang may naiuwi ha.

“Oo, dun nga samin, may cellphone. May Magic Sing. May flat-screen TV…” sabi ko.

“Grabe, mga bigatin talaga ang pinamigay. May mga ref. May washing machine. May rice cooker. May turbo broiler. May mga TV,” pagyayabang ni Mike. “Walang umuwing talo. Lahat panalo.”

“Ah talaga? E ano naman napanalunan mo?” tanong ko, curious lang.

“Plato.”

Ah eh. Tsong. Parang talo ka dun ah.#

h1

Walang permanente sa mundo, tattoo lang

October 14, 2008

Magpapa-tato dapat ako bukas. “Ilaya” na alibata sa bandang likod ng tenga. Pero hindi na. Hindi na muna.

“Bakit ka ba magpapa-tato ngayon?” tanong sakin ni Glenn. Halatang medyo naiirita dahil sa biglaan kong pag-isked na magpa-tato.

“Wala, gusto ko lang,” sabi ko. “E magpapa-tato naman talaga ako sa buong buhay ko e, hindi ko nga lang alam kung kelan.”

“E bat nga ngayon?” sabi ni Glenn. Relax Glenn, chill.

“Ewan.” Napatahimik ako. “Sabi ko dati, papa-tato ako kapag may milestone buhay ko.”

“O e ano’ng milestone ngayon?”

Gusto ko sanang sabihin, “wala”, pero ang rhetorical question, kapag sinagot mo, may tanga. Kapag sa inis mo pa sinagot yun, doble tanga, may taas-kilay pa.

“Feeling ko kasi parang urge mo lang yan ngayon e. Parang pottery, parang glassblowing, parang streetdance,” sabi ni Glenn.

“Sige sige, maghihintay na lang ako ng milestone, kung anuman yun.”

“Edi mas masarap yung tato.”

Parang ang sarap nga isipin nun. May punto ka Glenn. Nagsalita uli ako, “Magpapa-tato ako kapag magawa ko na yung first film ko. Full-length ha.”

“O sige ba,” sang-ayon naman siya. “Ako, magpapa-tato kapag ma-publish ko na ang unang libro ko.” Inextend nya sakin ang kanang kamay nya. “Deal?”

Kinabahan ako dun a. “Ehh… Pano kung 50 years old na ko makagawa ng first film ko?”

“Edi 50 years old ka magpa-tato!”

“O sige.” Napalunok ako dun a, pero kinamayan ko na rin siya. “Deal.”

Glenn, two years from now, may tato na ko. Itaga mo yan sa bato.

I-tato mo pa kamo.#

h1

Bawal ma-wrong send, nakamamatay

October 13, 2008

Circa college. Nasa bahay na kami nun kung san gagawin ang maliit na org party, pero si Alberto*, parating pa lang. Si Alberto, mahal ko yun nun, pero siya, hindi ko alam. Maaaring oo, maaaring hindi, pero ako, sigurado akong mahal ko yun. Pag bata ka pa nga naman, kung maka-mahal, parang laging sigurado.

“May ipapabili ba kayo? Kasi parating pa lang si Alberto, baka pwede tayong magpabili sa kanya,” sabi ng isa.

“Pabili pa ng Coke,” sagot ng isa.

“Tsaka ng mas maraming yelo,” sabi pa ng isa pa. At nagsabi ang lahat ng mga gusto nilang ipabili kay Alberto.

Umapela ang isa, “Ang dami naman, nakakahiya naman kay Alberto. Baka hindi niya bilhin nyan, sabihin abusado tayo.”

“Edi kay Ilaya** natin ipa-text, malamang mas bilhin ni Alberto yun pag siya ang nagsabi,” sabi ng isang henyong tuso.

Sabay tukso sa akin, “Uuuuy. Pag-ibig. Pag-ibig.” Sabay kinilig naman ako. Sabay kuha ko ng cellphone nang nakangiti. Pag bata ka pa nga naman, ang babaw-babaw.

At habang ang background music ko ay ang patuloy pa rin na pagtukso ng “uuuy pag-ibig, uuuy pag-ibig” na may orchestra version pa yata sa utak ko, itinext ko na nga si Alberto:

“Uy Alberto… pabili naman ng pag-ibig.”

At na-send ko ang bwakanangsyet na pakingsyet na pestengyawa na text. Message sent. Message sent na kahit i-off ko pa ang cellphone ko, sigawan, murahin nang malakas, at ibato sa sahig, ay isang bwiset na message sent pa rin. At dun mismo, nilamon ako ng mainit na lupa ng Quezon City at isinukang muli.

Hindi siya nag-reply.#

*pangalan ay iniba upang maprotektahan ang pagkatao
**pangalan ay medyo iniba lang upang maprotektahan ang pagkatao ko nang mga two minutes